Friday, November 15, 2013

Da Divine Komedi - Impyerno

Pambihira naman.

Di ko alam kung paano nangyari yun. Perfect naman ang lahat. Flowers. Dinner at fancy restaurant. Tapos nag-after dinner coffee pa kami.

Sinabi ko na rin kung anong nararamdaman ko para sa kanya: “Alam mo, mahal kita.“

At ang sagot niya, “I love you too…my friend.”

Gumuho ang mundo ko.

Ang masama pa nun, bigla siyang bumulalas tungkol sa kung sinong boylet na nakilala niya. Parang teenager ang kilig.

Awkward.

Parang manhid ako noong hinatid ko siya sa bahay nila. Ni-kiss ko siya ng good night pero tingin ko that’s the last time na magkikita kami.

Pambihira. Minsan na nga manligaw, na-friend zone pa!


Naaalala ko lakad lang ako nang lakad nun. Hindi ko alam kung saan ako papunta, basta lakad lang ako ng lakad.

Tapos bigla kong naramdaman na para akong bumabagsak… bumabagsak…

Natagpuan ko na lang ang sarili ko sa isang madilim na gubat. Tapos hinahabol daw ako ng tatlong malaking hayop. Yung isa mukhang leon, yung isa mukhang wolf, saka yung isa, mukhang pinagsamang leopard at leon.

Hindi ko sila matakasan. Hanggang may dumating na parang apparition…

May isang matipunong lalaki na dumating na binugaw niya yung mga hayop na humahabol sa akin.

Inaninag ko ang mukha ng nagligtas sa akin. Mukha siyang pamilyar. Nakikita ko na ang mukha niya sa TV. At meron din akong libro niya, yung may libre pang notebook at kamakailan lamang ay ginawang pelikula.

“I…ikaw ba si Sir R…?”

“Wag mo nang banggitin ang pangalan ko.”

“Salamat at niligtas mo ang buhay ko.”

“May nagpadala sa akin para bigyan ka ng isang mahalagang mensahe.”

“Tutulungan mo ba akong makalabas sa friend zone?”

“Hindi yan ang misyon ko. Ang misyon ko ay samahan ka. Maglalakbay ka sa Impyerno, Purgatorio, at Paraiso. Ang misyon mo ay isulat mo sa blog mo ang lahat ng nakita mo.”

“Impyerno???”

“Tayo na.”
 

Naglakad kami hanggang makarating kami sa bunganga ng isang kweba. “Ito ang pintuan ng Impyerno,” sabi niya.

Nakakatakot ang nakasulat sa ibabaw nito:


“ABANDON ALL HOPE, THOSE WHO ENTER HERE.”


“I…ito ba ang friend zone?”

“Dehins. Hindi friend zone ang Impyerno. Actually, nasa Purgatoryo yun.”

“Hindi? Eh impyerno ‘tong nararanasan ko. Nagmamahal ako sa kanya pero kaibigan lang ang turing niya sa akin! Hindi ba impyerno yun?”

“Hindi iyan ang tunay na impyerno. Kaya ako pinadala ay para makita mo ang katotohanan.”

Tumingin ako sa bunganga ng kweba. Nakakatakot.

Sinabi niya sa akin, “Hindi friend zone ang Impyerno. Yung ma-friend zone ka o even ma-basted ay hindi Impyerno. ‘Cause there’s more to life than love!”

“Kung…kung hindi friend zone o basted zone ang Imperyno,” tumingin ulit ako sa bunganga ng kweba. “Eh ano ngayon ang meron dyan?”

“Ipapakita ko sa ‘yo ang tunay na Impyerno. Ang tunay na Impyerno ay hindi yung na-friend zone ka or even yung na-basted ka. Ang tunay na Impyerno ay yung makapasok ka sa isang masamang relasyon. Pag nasa isang masamang relasyon ka, yung ang tunay na Impyerno.”

Bigla akong may narinig na kanta. Mula iyon sa bunganga ng kweba. Iyon ang kantang “Bad Romance” ni Lady Gaga. “La-la-ooh-la-la….”

Masamang pangit-tain.

“Handa mo na bang makita ang Impyerno?”

Napalunok na lang ako sa kaba. Pero tumungo ako.

At pumasok kami sa bunganga ng kweba.
 

(Durugtungan…)

No comments:

Post a Comment